Saturday, April 2, 2011

Naniwala Kasi Ako, Sana Ikaw Din

Blog. Blog. Blog. Hindi ko alam, pero mayroong pwersang nagsasabi sa akin na magsulat ako ng blog. Hindi ko alam kung maganda ba ito o nababaliw na ko dahil sa pagiging tambay ko ng halos 3 linggo. Mahirap maging estudyante dahil naranasan ko na ‘to pero mas mahirap daw magtrabaho, ewan ko, hindi ko pa kasi nararanasanang magtrabaho(pero malapit ko nang maranasan). Sa ngayon, nasa gitna ako, kakatapos ko lang maging estudyante at papunta pa lang sa pagiging empleyado. Mahirap din. Kala niyo madali. Mahirap maging tambay. Mahirap maging pabigat sa bahay. Mahirap mag-isip kung saan ka kukuha ng pera para makasama sa mga summer outing, sa mga gala ng barkada, para makabili ng regalo sa mga kaibigan mong magbibirthday, pambili ng pagkaen sa araw-araw. Mahirap mag-hanap ng paglilibangan lalo na kung natapos mo na lahat ng computer games na naka-install sa PC mo, kung napanuod mo na lahat ng pelikula at anime na naka-save sa hard disk mo, kung nabasa mo na lahat ng comment at na-like mo na lahat ng comment sayo sa facebook, at higit sa lahat, kapag natapos na ang all-time favorite mong TV show na “bantatay”.  Grabe. Kahit saan ka lumugar mahirap. Mahirap maging estudyante pero mas mahirap mag-trabaho pero mas mahirap maging tambay. Nakakahiya. Nakakabagot. Nakakainip. Nakakamiss.

Bigla kong na-miss ang pag-gawa ng schedule sa Mapua. Na-miss kong ma-badtrip sa online enrollment at sa pagpila sa windows 6 ng registrar. Namiss kong magpaprint ng CM, bumili ng index card, bumili ng halos transparent na bond-paper ng bookstore ng Mapua, bumili ng small at large yellow booklet. Oo, masayang magpahinga, masarap magbakasyon pagkatapos ng halos 15 taon ng pag-aaral (4 na taon lang dun ang seryoso) pero may sasaya pa ba pag kasama ang tropa at barkada? Kahit hindi na natutulog sa pag-gawa ng projects at finals na bukas ang deadline nagagawa mo pang humalakhak ng parang wala ng bukas. Kahit na hindi na kumakain para matapos ang mga papansing paper works ng mga minor subjects ang sarap pa ding tumawa lalo na’t kasama ang barkada. Ang saya. Sobra.

Sa tagal ng panahong ginugol ko sa aking pag-aaral, madami akong bagay na natutunan. Maraming bagay na sana hindi ko na lang natutunan. Maraming bagay na sana natutunan ko. Ayos lang, hindi naman natatapos ang pagkatuto sa pag-aaral. Alam ko, naniniwala ako, mas marami pa akong matututunan sa labas ng paaralan. Siguro nga hindi na ko estudyante na naka-enroll sa isang paaralan pero estudyante pa din ako ng “buhay” na ‘to. Ang dami ko pang gustong malaman, ang dami ko pang dapat maintindihan at maunawaan sa buhay na ‘to. Wala pa ko sa kalahati, halos magsisimula pa lang ang tunay na buhay ko. Sa mga oras na ito at sa mga susunod pa, iba na ang magiging takbo ng lahat. Hindi ko na maaavail ang student’s discount, hindi na ko bibigyan ng allowance ng nanay ko, hindi na ko makakahingi ng pera para sa mga project, hindi na ko mag-lolog-in sa mymapua para gumawa ng schedule. Madaming magbabago. Madami ng nagbago. Ako mismo nagbago. Ang takbo ng isip ko nagbago. Hindi ko na iniisip ngayon ang mga project, asayment, term paper, finals na kailangang maipasa, iniisip ko na ngayon ay mga job interview na kailangang maipasa. Iniisip ko na ngayon kung saang kumpanya ako dapat magtrabaho. Iniisip ko din kung paano ako babawi sa lahat ng taong tumulong sakin noong nag-aaral pa ko, lalo na sa mga magulang ko. Sabi ko sayo mahirap maging tambay, ang dami mong naiisip, ang dami mong dapat isipin.

Sa mga estudyanteng makakabasa nito, mag-aral kayong mabuti. Para sa mga sarili ninyo, para sa mga magulang niyo, para sa magiging pamilya niyo. Pahalagahan niyo ang pag-aaral niyo, wag niyong sayangin. Kung tinatamad kayo, isipin niyo nalang kung ilang beses tiniis ng nanay at tatay niyong huwag tamarin para may pang-enroll kayo. Kung nahihirapan kayo, isipin niyo kung ilang beses tiniis ng nanay at tatay niyong maghirap para lang maigapang ang pag-aaral niyo. Kung hindi niyo pa din kaya, isipin niyo nalang ang mga magiging anak mo. Maawa kayo sa kanila parang awa niyo na. Hindi mo naman kailangang maging suma, magna o cum laude eh, kailangan mo lang gawin kung anong makakaya mo. At wag mong sabihin sakin na kaya mo lang eh mag-dota at magfacebook! Tatadyakan kita! Yung iba nga eh pinipilit mag suma, ayun, sumasampung taon na pero sige pa rin, tuloy pa din, hindi pa nagququit. Yung iba naman pinipilit maging magna, ayun, magna-nine years na sa college pero ayaw pang sumuko. Naniniwala kasi silang kaya nila. Kaya sana maniwala ka din. Maniwala ka sa sarili mong kaya mo. Maniwala kang mayroong isang Diyos na naniniwala sayo. Wag mong ipressure ang sarili mo. Gawin mo lang ang best mo at siguradong aayos ang buhay mo. Gusto mong makagraduate? Wag ka munang umangal. Naiintindihan kita, pinagdaanan ko din lahat yan, naging estudyante din ako, madalas umaangal din ako pero hindi naman nakatulong sa pag-graduate ko ang pag-angal ko. Napagod lang ang lalamunan ko. Sayang ang boses. Kung nagpray ka nalang kaysa umaangal ka eh di mas maganda sana. Sabagay, pwede ka pa namang magpray, hindi pa huli ang lahat. Pray na. At siyempre, hindi sapat na magpray ka lang, kailangan mong kumilos, kailangang may gawin ka din. Kailangan mo pa ding mag-aral. Wag kang umasa na papasa ka sa exam dahil nagpray ka pero hindi naman nagreview. Niloloko mo lang ang sarili mo. Wag mong paasahin ang sarili mo. Alam mo naman kung anong dapat gawin diba? Wag ka nang makipag-laro ng tamad-tamaran at tanga-tangahan sa sarili mo. Subukan mong mag-isip. Subukan mong pag-isipang mabuti kung anong buhay ang gusto mo, kung gusto mo bang umasenso o gusto mo lang na maging tambay habang buhay. Sa’yo nakasalalay ang buhay mo. Wala kang karapatang manisi ng ibang tao.

Tulad ko, naniwala ako. Naniwala akong makakatapos ako ng pag-aaral, naniwala sakin ang mga magulang ko, mga kapatid ko, mga kaibigan ko. Naniwala ang Diyos sakin na kaya ko. Oo, aaminin ko, hindi ako perpekto, hindi rin ako magmamalinis sa harap ninyo. Tinamad din ako, baka mas tamad pa pala ko kaysa iniisip niyo, umabsent din ako, nagcutting din ako, nahirapan din ako, madalas nagcacramming ako pero hindi ako basta-basta sumuko. Tinuloy ko, tinapos ko ang laban. At eto, aanihin ko na ang lahat ng itinanim ko. Ang tagal ng anihan no? After 15 years ng pagpupunla pero ayos lang, sulit naman. Ganun talaga, may tamang oras ng pag-ani. Kailangan mo munang paghirapan, kailangan mong pagtiyagaan, kailangan mong pagsikapan. Kailangan mong maniwala na magbubunga yan. Minsan ang hirap maniwala na gagraduate ka pa eh no? Walang pang-enroll, ang dami mo ng bagsak, naka-ilang warning ka na, naka-ilang revise na yung thesis niyo, naka-ilang shift ka na, lahat ng ka-batch mo nakagraduate na at kumukita na, buong pamilya mo, pati mga pinsan mo graduate na, kahit yung kapatid mong grade 4 lang nung 1st year college ka nauna pa sayong grumaduate ng college, minsan hirap na hirap ka ng maniwalang gagraduate ka pa. Pero sana maniwala ka sa sasabihin ko, GAGRADUATE ka. Lumalabas ang tunay na kapangyarihan ng paniniwala sa mga oras na pinakamahirap maniwala(the power of believing unleashes its utmost potential at times when it is really hard to believe). Kung hindi ka naniniwalang matatapos mo ang pag-aaral mo wag ka ng mag-aral. Sayang. Yung Diyos na tumulong sakin noong nag-aaral pa lang ako ay yung Diyos din na tutulong sayo sa pag-aaral mo ngayon. Kung nagawa niya sakin, kayang-kaya nya ding gawin sayo. Kung ako nga nakagraduate eh, ikaw pa, kayo pa na mas matalino sakin. Siguradong kaya niyo. Wag kayong titigil, tuloy ang laban, wag kang susuko. Duwag lang ang sumusuko. Hindi ka naman duwag eh. Nagduduwag-duwagan ka lang. Kaya mo. Maniwala ka. Gagraduate ka.

Lord, I pray for all the students who have read this blog, I pray that you would bless their studies. I pray that you would be with them, that you would guide them, that you would provide for them as they finish their studies. Father I release the spirit of faith, I release the spirit of belief Lord God, that they will continue to believe in you, that they will continue to believe that they can do it, that they continue to believe that they will graduate. Lord restore their hopes oh God, restore their broken dreams! Panginoon, hawakan mo ang mga puso nila, itama mo ang mga puso nila, hayaan mong matutunan nila kung gano kahalaga ang maniwala at magtiwala sayo sa pag-aaral nila. Na wala silang magagawa apart from your presence, that you are the only solution, na baka ikaw nalang pala ang kulang sa buhay nila kaya hindi sila makagraduate. Lord help them. I just declare victory in their studies! I speak in faith, they will soon be graduates in Jesus’ name. Amen.


God is telling you right now, pwede ka na ulit mangarap, pwede ka na ulit maniwala.

No comments:

Post a Comment